I'll Come After You

Hindi ko alam kung ano na ang nangyari pagkatapos ng digmaan. Namalayan ko na lang ang sarili kong nakahiga sa malaking kama sa silid ko. Naaamoy ko pa rin ang amoy ng halamang gamot na paniguradong ginamit sa akin para lang mabigyan ng lunas ang mga tinamo kong sugat.

Pero hindi iyon ang mas inaalala ko.

Nasaan siya? Bakit wala siya rito? Bakit hindi ko maramdaman ang presensya niya sa paligid ng palasyo?

"Mahal na prinsesa, kumusta na po ang lagay ninyo?"

Kahit alam kong tinanong lang nila sa akin iyon bunsod ng pag-aalala, hindi ko pa rin sila nakuhang sagutin. Sa iba nakatuon ang isip ko.

"Nasaan siya?" ganting-tanong ko sa kanila.

Pero walang nagtangkang tingnan ako para ibigay sa akin ang sagot na kailangan ko. Bigla akong kinabahan. Bakit ganito ang mga ikinikilos nila?

"Ano'ng nangyari sa kanya? Nasaan siya?" pag-uulit ko sa nauna ko nang tanong.

Isa sa kanila ang lumapit sa kinahihigaan ko matapos humugot ng malalim na hininga. Yumukod muna siya bago nagsalita. "Ipagpaumanhin n'yo po ang ibabalita ko sa inyo... ngunit..."

"Ngunit ano? Huwag na huwag kayong magtatangkang magsinungaling sa akin dahil--"

"Siya ang dahilan kung bakit nakaligtas kayo at buhay pa ngayon, mahal na prinsesa. Subalit... iyon din ang dahilan kung bakit... wala na siya ngayon."

"Ano'ng ibig mong sabihing... wala na siya?"

Katahimikan ang pumailanlang ng ilang sandali bago may magsalitang muli.

"Ginamit niya ang natitirang lakas na meron pa siya para masigurong makakarating kayo rito ng buhay kahit labis na kayong sugatan. At ganoon din po siya. Ipinilit niya na unahin muna namin kayong gamutin bago siya. Nang matapos na kaming bigyan kayo ng lunas, noon lang namin namalayan na muli siyang nakipaglaban. Pero sa huli, hindi na rin po kinaya ng katawan niya ang hirap. At... iyon po ang ikinamatay niya, mahal na prinsesa..."

Hindi na tuluyang pumasok sa isip ko ang mga sumunod nilang sinabi sa akin pagkatapos niyon. Huli na nang namalayan kong wala nang patid sa pagtulo ang aking mga luha habang humahagulgol dahil sa tindi ng sakit ng kaloobang ibinigay niyon sa akin.

xxxxxx

Hindi nga sila nagsisinungaling sa akin nang sabihin nilang wala ka na. Na iniwan mo na akong mag-isa rito.

At tama ang minsang narinig ko noon na isang kasabihan. Na isang tao lang ang kailangan para tuluyang magbago ang buhay ng sinuman. Parang ikaw.

Nasanay naman akong mag-isa, eh. Kumbaga, naiisip ko nang siguro nga ay kapalaran ko na iyon.

Pero ang daya mo. Bakit sa 'yo pa? Bakit ikaw pa ang naging dahilan ng pagbabago ng buhay ko?

Hindi nagtatagal ang buhay ng tao, maging ng katulad kong buong buhay nang nanatili sa mahiwagang mundong ito. Pero kahit ganoon, tadhana na yata ang gumawa ng paraan para magkita tayo't magkakilala. Hanggang sa bandang huli'y magka-ibigan na rin.

Ilang beses mong sinabi sa akin na magkaiba ang mundong pinagmulan natin. Gayunpaman, ang puso mo ang nagparamdam sa 'yo na wala sa itsura ng mundo ang tunay na makakapagsabi ng tahanang dapat mong kabilangan.

Ngayon, alam ko na ang ibig mong sabihin noon.

Sa pangako natin noon na mag-iibigang tunay at walang hanggan, natagpuan ko na ang kasagutan sa lihim kong tanong tungkol sa sinabi mo.

Huwag kang mag-alala. Hindi ko sasayangin ang buhay na binigyan mo ng ikalawang pagkakataon. Gagamitin ko ito sa mabuti, para sa lahat ng mga naniniwala sa atin.

Daratin din ang panahon, alam ko. Kahit ilang buhay pa ang kailangan kong pagdaanan, kahit ilang mudo at panahon pa ang makita't masaksihan ko, susundan at susundan pa rin kita kung nasaan ka man. Gagamitin kong gabay ang pangako ng pag-iibigan natin.

At ito ang sinisiguro ko.

Sa susunod na magtatagpo ang ating mga landas, hinding-hindi na tayo maghihiwalay pa. Kahit na anong mangyari.

Kaya sana, mahal ko, hintayin mo ako.

No comments:

Post a Comment