Better Than This Moment (EXO Xiumin Fanfiction)

Quite an old story dedicated to MoonDust_JC/NaughtyCielo.

"Sige na. Ngumiti ka na."

Bakit ba ang kulit ng babaeng 'to ngayon? Sa totoo lang, ilang beses na niya akong kinukulit na ngumiti. Ano naman ang meron at ganito siya kakulit ngayon?

Pero gaya ng madalas kong gawin, hindi ko sinunod ang gusto niya. Wala akong dahilan para ngumiti ngayon. Stressed ako at gusto ko munang alisin sa isip ko ang kung ano mang 'di magandang nangyari sa akin ngayong araw.

"Bakit ba ayaw mong ngumiti, ha? Minsan na nga lang akong mag-request sa 'yo, eh."

Bumuntong-hininga ako bago ko siya hinarap. "Iyon na nga. Minsan ka na nga lang mag-request, 'yong mga bagay pa na ayaw kong gawin ang gusto mong ipagawa sa akin."

"O, wala namang masama sa gusto kong gawin mo, ah?"

"Joanna, please lang. Nakikiusap na ako sa 'yo. Ask me to do something else. Except to smile."

Oo na. May pagkadesperado na yata ang dating ng sinabi ko sa kanya. Pero best friend ko si Joanna mula pa noon. Kaya sigurado ako na alam niya ang dahilan kung bakit pati ang pagngiti ay ayoko nang gawin.

"Unfortunately, hindi ko magagawa ang pakiusap mo sa akin."

Muli akong napatingin kay Joannana ngayon ay seryosong nakatingin sa akin. Pero may kakaiba sa tingin niyang iyon. Hindi ko nga lang matukoy kung ano.

"Xiumin... Alam mo ba kung bakit madalas kitang kinukulit mula pa noon na ngumiti ka? Dahil iyon ang isang dahilan kung bakit ginusto kitang maging kaibigan noon."

Hindi ako nakaisip ng sasabihin matapos kong marinig iyon.

"You always had that serious look on your face. Lonely, as well. Kung alam mo lang... pareho tayo noon. Ganyan din ako... bago kita nakilala..."

Ngayon, mas lalo ko siyang hindi maintindihan. Pareho kami ni Joanna dati? Ano'ng ibig niyang sabihin?

Nang tingnan ako ni Joanna, nakita ko siyang kumunot-noo. "O, huwag mong sabihing hindi mo alam ang rason kung bakit ko sinabing magkatulad tayo noon?"

"Bakit? Sa tingin mo ba, magtataka ako ng ganito kung alam ko nga?"

"Ang sungit mo naman ngayon, p're. Meron ka?"

Sinasabi ko na nga ba. Wala nang sasabihing matino sa akin ang babaeng 'to. Napailing na lang ako at akmang lalayasan na siya nang maramdaman kong may humawak sa braso ko. Sa paglingon ko ay nakita kong nakangiti na naman na parang baliw si Joanna.

"Ano'ng nginingiti-ngiti mo riyan?" hindi ko na napigilang itanong.

"Hindi mo ba talaga matandaan? Ganito ka ngumiti sa akin nang araw na nagkakilala tayo. Na naging mag-best friends tayo kahit magkaiba tayo ng lahi. Kahit 'di hamak na masyadong obvious na hampas-lupa lang ang tingin nila sa akin kapag magkasama tayo, hindi mo pa rin ako tinatalikuran at iniiwan."

"Dahil ganoon ka sa akin, Joanna. Hindi mo rin ako iniwan kahit na... may mga pagkakataon na hindi na nagiging maganda ang trato ko sa 'yo."

"'Sus! Para iyon lang. Isa pa, hindi naman ako nagagalit doon, eh. Halata naman kasing moody ka lang na para bang tinamaan ka ng PMS. Ganoon."

Seriously speaking, wala na ba talagang ibang gagawin ang babaeng ito kundi maghanap ng paraan na manira ng seryosong moment?

"At saka... mas dapat kitang samahan at intindihin sa mga panahong ganoon ka. Dahil hanggang ngayon, umaasa pa rin ako na makikita kitang ngumiti ulit... na tulad ng ipinakita mong ngiti sa akin ng araw na iyon."

Wala akong maisip sabihin bilang tugon sa sinabi ni Joanna. Mabuti pa siya, parang walang planong mawalan ng pag-asa. Samantalang ako--

"Bakit ba... gusto mo akong ngumiti ulit?"

Ilang sandaling hindi nagsalita si Joanna na ipinagtaka ko. Nang tingnan ko siya, nakita ko na naman ang seryosong expression na iyon sa mukha niya.

"Dahil minsan nang inalis ng ngiti mo ang sakit ng kaloobang pilit kong nilalabanan noong bago pa tayo nagkakilala. Nang makita kitang ngumiti for the first time, nangako ako sa sarili ko na gagawin ko ang lahat huwag lang mawala iyon."

Hindi ko akalaing ganoon ang nagagawa ng pagngiti ko sa kanya. Buong akala ko, wala na akong dahilan para ngumiti ulit.

"Kaya sige na. Ngumiti ka na."

Tiningnan ko na lang ulit si Joanna. Nakikiusap hindi lang ang mga mata niya, kundi pati na rin ang ngiti na naman niyang iyon. As her best friend, may dahilan ba ako ba para tanggihan ko ang gusto niyang mangyari?

Nauna na akong naglakad na ikinasimangot na lang ni Joanna. Pero ilang sandali pa ay napatigil din ako at muli ko siyang hinarap.

"Basta sa 'yo lang."

No comments:

Post a Comment