My Destiny From A Dream - Chapter 1


"MA'AM Elena, may bisita po kayo na naghihintay sa labas. Si Ma'am Angela po," wika ng sekretarya niya mula sa intercom.

"Send her in, Kate."

"Sige po." Iyon lang at wala nang tumawag sa kanya.

Nagtataka siya kung bakit bigla-bigla naman yatang napasugod sa boutique niya ang kapatid. Dati-rati kasi ay hindi ito nagagawi sa boutique maliban na lang kung may kailangan talaga ito sa kanya.

Sa fourth floor ng Rosalia Building matatagpuan ang boutique niya kaya hindi imposibleng hindi makarating kaagad doon ang kapatid lalo pa't nasa second floor lang ang detective agency na pinagtatrabahuhan ni Angela.

Narinig niya ang mahinang pagbukas ng pinto ng kanyang opisina at nang mag-angat siya ng tingin, isang blooming na Angela ang bumungad sa kanya.

Iba kasi ang sayang nakikita niya sa mga mata ng dalaga lalo pa't ang lapad ng ngiti nito.

"Ang saya mo yata ngayon, Sis. May nangyari bang maganda na hindi ko alam?"

"Meron, Ate. Kaya nga ako pumunta rito sa boutique mo bago ako pumasok sa trabaho."

"Trabaho agad ang hinaharap mo, eh kagagaling mo pa lang, ah."

"Kailangan, Ate. Alam mo na, hindi pa tapos ang misyon ko. At hindi ako matatahimik hanggang hindi natatapos iyon."

"Pero hayaan mo nang sina Kuya ang mag-asikaso ng tungkol diyan."

"Don't worry. Hindi naman na ako magiging active agent simula bukas. Pinatitigil na ako ng husband-to-be ko sa pagtatrabaho bilang detective."

"Hold it! What do you mean, husband-to-be? Magpapakasal ka na? Kanino?" sunod-sunod na tanong ang naging reaksyon niya sa narinig niyang sinabi ng kapatid.

"Bakit parang imposible yata sa 'yo na mag-asawa ako?" natatawang tanong ni Angela sa kanya.

"Hindi naman sa ganoon. Kaya lang, nakakagulat naman kasi ang sinabi mo, eh. Anyway, who's the lucky guy na mapapangasawa ng aking kapatid, ha?"

Hindi siya sinagot ni Angela pero nakangiti ito. At alam na niya ang sagot sa sariling tanong.

"Mukhang alam ko na ang sagot. Si Kuya Alexis ba?"

"Mabuti naman at alam mo. Iyon ang rason kaya ako pumunta rito sa boutique mo, Ate. Ikaw sana ang gusto kong gumawa ng wedding gown na isusuot ko sa kasal."

Napangiti si Elena nang maluwang.

"Wala namang problema roon, eh. Ang totoo nga niyan, marami na akong sketches ng mga gown na dapat ay isusuot mo at ni Elizza. Kasama na rin doon ang tatlong dalagang Cervantes. Mamili ka na lang sa mga sketches na iyan."

"Patingin nga, Ate."

Mula sa drawer ng kanyang office table ay kinuha niya ang isang pulang clearbook at inilapag sa harap ni Angela. Kinuha naman nito ang clearbook at pinasadahan ng tingin ang nasa loob niyon.

Kitang-kita ang pagkamangha ang dalaga sa nakitang mga sketches niya.

"Ang gaganda naman ng mga ito, Ate. Natahi na ba ang mga ito?"

"I guess you could say that. Seventy-five percent ng nasa clearbook na iyan ay natahi na. Iyong mga may signature ko using the red pen ang mga natapos ko na. So, nakapili ka na ba?"

"Um, could you give me some time to choose? Sa ganda kasi ng mga sketches mo, nahihirapan tuloy akong makapili."

"It's okay. I'll give you a week to choose. Especially for the Rose Clans lang talaga ang nasa clearbook na iyan. Alam ko namang hindi ganoon kadaling mamili, eh."

"Thanks, Ate." Saka isinara ang clearbook.

"By the way, sino ang tutulong sa 'yo sa pagpaplano ng kasal?"

"I'm about to ask Cecille for that. Si Elizza naman ang kakausapin ko para sa cake at mga flowers. Even catering."

Napatango siya.

"Alam na ba nina Kuya Joel at Kuya Joaquin ang tungkol sa kasal mo?" kapagkuwa'y tanong niya.

Umiling si Angela.

"Not yet. Ang totoo niyan, ikaw pa lang ang pinagsasabihan ko nito. Last night lang kasi nag-propose sa akin si Alex na magpakasal na kami, pagkalabas niya ng ospital. Kaya nga nag-aalala ako kung paano ko ito sasabihin sa lahat."

"Don't worry." Ginagap ni Elena ang kamay ng kapatid. "I'm a hundred percent sure na wala sa pamilya natin ang tututol sa kasal ninyo ni Kuya Alexis dahil alam naman naming magiging masaya ka sa kanya."

Nagliwanag ang mukha ni Angela nang marinig iyon.

"Talaga, Ate?" naninigurong tanong nito.

"Oo naman. Kaya kung ako sa 'yo, ayusin mo na ang resignation mo sa agency para may panahon ka nang asikasuhin nang personal ang kasal ninyo ni Kuya Alexis."

"Okay." Saka tumayo si Angela at lumapit sa kanya upang halikan siya sa pisngi. "Thanks, Ate."

"No big deal. Anyway, you're welcome."

"Bye. See you later." At tuluyan na itong lumabas ng kanyang opisina.

Nakangiti man siyang nagpaalam sa kapatid, agad namang napalitan iyon ng kalungkutan nang tuluyang makalabad si Angela.

And then, mula sa drawer na pinagkuhanan ni Elena ng clearbook ay kinuha naman niya ang isang picture frame kung saan nakalagay roon ang portrait drawing ng isang guwapong lalaki na siya mismo ang gumuhit.

Kasabay ng isang hindi maipaliwanag na lungkot sa kanyang dibdib ay pinaraanan niya ng daliri ang drawing sa frame.

Mabuti pa si Angela, nakita na niya ang lalaking alam niyang makapagpapasaya sa kanya. Tuluyan na siyang magiging masaya. Eh ako, kailan kaya darating ang taong magpapasaya sa akin? Hindi ko alam kung nag-e-exist ka nga sa tunay na buhay. Pero sana, ikaw na ang taong hinihintay ko, sa loob-loob na kausap niya sa drawing sa picture frame.

Saka niya muling ibinalik ang picture frame sa kanyang drawer.

xxxxxx

IBA ANG pakiramdam ni Aries pagpasok pa lamang niya sa kanyang opisina. Kinakabahan na siya na hindi niya malaman kung bakit. Lalong sumahol iyon nang makita niya sa kanyang office table ang isang maliit na kahon na nakabalot sa gift wrapper.

Inilapag muna niya ang kanyang gamit sa table at agad na kinuha ang kahon.

Nang matanggal ang gift wrapper ay dahan-dahan niyang binuksan ang kahon at muntik na niyang mabitawan iyon dahil sa gulat sa nakita.

Nakita niya ang tatlong litrato ng mga duguang bangkay. Hindi niya kilala ang mga nasa litrato pero walang dudang pinatay ang mga ito sa brutal na paraan. Sunod naman niyang nakita ang isang manikang putol-putol ang bahagi ng katawan at kung hindi siya nagkakamali ay pinaliguan pa ito ng dugo.

Sa ilalim naman niyon ay may isang sobre na nabahiran ng dugong galing sa manika. Agad niyang binuksan iyon kahit na kinikilabutan na siya nang husto.

At tumambad sa kanya ang isang sulat na gawa sa pinagtagpi-tagping mga letra mula sa magazine.

Ganito ang mangyayari sa iyo kapag hindi mo sinabi sa amin kung nasaan ang kailangan naming diary. Kaya mabuti pang magsalita ka na.

Tuluyan nang nabitawan ni Aries ang hawak niya.

Nangingilabot man dahil sa death threat na natanggap ay pilit pa rin niyang pinalalakas ang kanyang kalooban. Pero hindi pa rin siya nagtagumpay.

Kaya naman hindi siya nakapag-concentrate nang husto sa trabaho niya buong maghapon. Patuloy na gumigiit sa kanyang isipan ang banta sa buhay niya.

Itinago muna niya ang lahat ng nasa kahon dahil alam niyang magagamit ito bilang ebidensya at makakatulong din ito sa mga awtoridad kahit papaano para malaman kung sino ang may kagagawan niyon.

Sa lalim ng iniisip ay hindi na namalayan ni Aries ang pagpasok ng bisita niya. Hindi pa siya matatauhan kung hindi pa siya kinalabit nito.

"Ang lalim yata ng iniisip mo, Aries. May problema ba?" tanong ng bisita niya.

"H-ha?" Nagulat siya at agad na nagtaas ng mukha. "S-sino ka?" wala sa sariling tanong niya sa kaharap.

"Naku naman. Kinalimutan na pala ako ng best friend ko."

Tinitigan niya nang mabuti ang mukha ng kaharap. Pamilyar sa kanya ang lalaki pero hindi niya matandaan kung saan niya ito nakita.

At sa pagbanggit nito ng salitang "best friend", isang tao lang ang alam niyang naging matalik niyang kaibigan since childhood. Nang muling maalala ang taong iyon, unti-unting napalitan ng galak ang gulat na nadama.

"Alexis? Ikaw ba talaga 'yan?" paniniyak niya rito.

Napangiti na rin ang binata. "Hay... Ang akala ko, tinamaan ka na ng amnesia at tuluyan mo na akong kinalimutan," natatawang wika ni Alexis.

Napatayo na siya nang tuluyan mula sa kanyang swivel chair at nilapitan si Alexis. Kasabay niyon ay niyakap niya ang best friend na sampung taon na rin niyang hindi nakita.

"Mabuti naman at naisipan mo pang bumalik dito sa Pilipinas. Akala ko ay doon ka na sa Canada mag-i-stay."

"Kinailangan kong bumalik, pare. Alam mo na, may mga negosyo pa kami rito na hindi gaanong naaasikaso. Ikaw, balita ko'y umaasenso na ang naiwang negosyo ng ama mo, ah."

"Tinulungan ako ng Daddy mo, actually. Kaya naman napakalaki ng pasasalamat ko sa kanya. Anyway, kailan ka pa nakabalik dito? Hindi ka man lang tumawag para man lang masundo kita sa airport."

Napabuntong-hininga si Alexis. "Ang totoo niyan, three weeks ago pa ako nandito. Pero sa dami ng mga natuklasan ko sa loob ng mga panahong iyon na may kinalaman sa pamilya namin, hindi man lang kita napuntahan."

Kumunot ang noo ni Aries sa sinabi nito. "Teka lang, hindi yata kita maintindihan. Ano ba'ng ibig mong sabihin?"

Walang abisong isinalaysay sa kanya ni Alexis ang mga nangyari rito mula nang dumating ito mula Canada. Pati na ang pagkakatuklas sa sitwasyon ng kababata nito at ang totoong pumatay sa ina nitong si Isabella Cervantes. Maging ang pagsugod ng anak ni Fidel Mariano sa ancestral house ay isinalaysay rin nito.

"So ano na ang gagawin mo ngayon? Itutuloy mo pa rin ba ang pagtugis kay Fidel Mariano?" kapagkuwa'y tanong niya rito.

"Kahit baliktarin ko pa ang buong mundo, gagawin ko para lang mahanap siya. Kailangan niyang pagbayaran ang naging kasalanan niya sa pamilya namin ni Angela."

"Speaking of Angela, hindi ba siya ang plano mong ligawan noon pa? Ano na'ng nangyari sa plano mong iyon?"

Makahulugang ngumiti sa kanya si Alexis. "Iyon ang dahilan kaya kita pinuntahan dito. Ang totoo niyan, hindi na ako nanligaw sa kanya."

"Ha? Ano na'ng ginawa mo?"

"Pareho lang pala kami ng nararamdaman para sa isa't-isa. And we're getting married."

"Ha? Totoo ba 'yan?" Sabihin pa ay talagang ikinagulat niya ang sinabi nito.

"Oo naman."

"Kailan ka nag-propose sa kanya?" excited niyang tanong dito.

"Last night lang. Pagkalabas ko ng ospital. At ikaw ang naisipan kong maging bestman sa kasal namin ni Angela. Payag ka ba?"

"Sino naman ang hindi papayag? Diyempre naman."

"So okay na?"

"Yeah."

Patuloy pa rin ang kuwentuhan nilang dalawa at dahil doon ay saglit na nakalimutan ni Aries ang inaalala kanina. Pero nanumbalik ang pangamba sa kanyang dibdib nang tumunog ang kanyang cellphone.

Nanginginig ang kamay na binuksan iyon at sinagot ang tawag.

"H-hello?"

"Ano, natanggap mo ba ang regalo ko sa 'yo?" tanong ng nasa kabilang linya.

Tuluyan na siyang napatayo at binulyawan ang nasa kabilang linya na ikinagulat ni Alexis.

"Sino ka ba at ano'ng kailangan mo sa akin?!"

"Gaya ng sinabi ko sa sulat, nasa mga kamay mo ang diary na kailangan ko. At hindi ako titigil hanggang hindi ko napapasakamay iyon."

"Hindi ko alam kung anong diary ang tinutukoy mo. Pero kung ang hinahanap mong diary ay ang may simbolo ng rosas, matagal nang wala sa posesyon ko iyon."

Narinig niya ang paghalakhak ng kausap. "Hindi mo maitatangging nasa mga kamay mo pa rin iyon. Kaya kung ayaw mong matulad sa ama mo, mabuti pang ibigay mo na ang kailangan ko." At saka bigla na lang nitong pinatayan ng telepono si Aries.

"Hello? Hello!"

Subalit wala na siyang marinig kundi ang busy tone.

Sino kaya 'yon? May kinalaman kaya siya sa nangyari kay Papa?

xxxxxx

Writer's note: So this is the second book in the "Chronicles of the Roses" series. Pero hanggang Chapter 3 lang ang naisulat ko sa story ni Elena back in 2008. Kaya ang magiging kasunod na chapters nito ay ngayong taon ko pa lang maisusulat. Posible rin na may makita kayong transition ng pagkakaiba sa writing style ko noong 2008 at ngayong 2019. Anyway, I hope hindi ko masira ang mismong plano ko sa story ni Elena. More than a decade in a making, sa wakas ay magagawa ko na ring ituloy ito.

No comments:

Post a Comment