My Destiny From A Dream - Chapter 2


"ARIES, sino 'yong tumawag sa 'yo?"

"H-ha?" pabiglang napalingon si Aries sa taong nagsalita.

Nakalimutan na niyang may bisita pala siya.

"Sino 'yon? At bakit binulyawan mo?" tanong ni Alexis sa kanya.

Hindi siya umimik. Nanatili lang siyang nakatingin sa drawer na kinalalagyan ng death threat sa kanya.

Tama. Bakit ba hindi niya naisip kaagad iyon?

Kaibigan niya si Alexis na alam niyang isang detective. Isa rin ito sa nagmamay-ari ng Twin Rose Detective Agency at puwede siyang makahingi ng proteksyon mula rito.

"Pare, may problema ka ba?" This time, mababakas na sa tinig ni Alexis ang pag-aalala.

Humugot muna siya ng hangin sa kanyang dibdib at napabuntong-hininga siya nang malalim bago nagsalita. "Alexis, kailangan ko ng tulong mo."

"Sure. Tungkol saan?"

"May mairerekomenda ka bang bodyguard ko?"

Nangunot ang noo nito. "Pare, tungkol ba ito sa tawag na natanggap mo?"

"Yeah. Ang totoo niyan, may death threat pa akong natanggap bago ako tawagan ng kung sino man iyon."

At bago pa makapagsalita si Alexis ay tinungo niya ang drawer na kinalalagyan ng kahon. Kinuha niya iyon at inilapag sa table.

"Ano'ng laman nito?"

"Tingnan mo na lang ang nasa loob."

At iyon nga ang ginawa nito. Binuksan niya ang kahon at nanlaki ang mga mata nito nang makita ang laman ng kahon.

Sinipat nitong mabuti ang mga litratong nakita, maging ang manika. Hanggang sa mapadako ang tingin nito sa sulat at binasa iyon.

"Aries, puwede ba kitang matanong?"

"Tungkol naman saan?" nagtatakang tanong nito.

"May binanggit ka kanina na diary, 'yong may simbolo ng rosas. Kanino ba 'yon?"

Nagkibit-balikat lang siya. "Ang alam ko lang, may letrang 'C' 'yong white rose while the red rose has a letter 'D'."

"Nabasa mo na ba ang laman niyon?"

Umiling siya. Nagtataka siya dahil sa pagbi-bring up nito ng tungkol sa diary na may simbolo ng rosas.

"Bakit mo naman naitanong ang tungkol doon, Alexis?" Sa sobrang pagtataka ay naitanong niya rito.

Napabuntong-hininga lang si Alexis at inilapag sa mesa ang kahon. Saka siya tiningnan nang mataman at hindi kumukurap. "Kung tama ang hinala ko sa diary na iyon, hindi ka nila titigilan, Pare. Kahit na saan ka magpunta, susundan at susundan ka nila. Titiyakin nila na mamatay ka."

"Ha? S-sinong 'nila'? Ano ba'ng pinagsasasabi mo, Alexis?"

"Isa lang ang masasabi ko. Hindi ka na ligtas."

"Alexis, can you elaborate what you're saying? Mukha kasing may alam ka tungkol sa diary na 'yon, eh."

Ilang saglit na namagitan ang katahimikan sa kanilang dalawa. Hanggang sa makita niyang napabuntong-hininga ito. "Mukhang kailangan ko na talagang sabihin sa iyo ang lahat."

At namalayan na lamang niya ang kanyang sarili na matamang pinakikinggan ang kuwento ni Alexis.

xxxxxx

SA TOTOO lang, gutom na si Elena kanina pa. Kaya lang, napakaraming trabahong nakatambak sa kanyang office table. At hindi niya ito maiwan-iwan na hindi natatapos.

Hindi naman niya gustong mag-lunch sa opisina niya. Ang gusto niya ay sa restaurant kumain upang kahit papaano ay ma-relax kahit na kaunti ang kanyang utak na laging sumasakit dahil sa dami ng trabaho.

Kaya naman tinapos na niyang basahin at tingnan ang mga papeles at finished sketches sa kanyang office table para sa evaluation.

Hindi lang naman siya ang fashion designer na nagtatrabaho sa building na iyon. Ang totoo niyan ay dalawampu sila na nasa floor na iyon pero kontrolado pa rin niya ang mga ito.

Siya ang nag-aayos ng mga events na dinadaluhan ng mga ito at siya rin ang tumutulong sa mga ito kapag magkakaroon ng mga presentation ng mga design na likha ng mga ito.

At dahil ang CSD Fashions ay pinamamahalaan ng isang dela Vega, kasama na rin ang ganda at uniqueness, even creativity ng mga designs, hindi nakapagtatakang maging globally known sila.

Marami na ring mga sikat na modelo here and abroad ang nag-present ng kanilang mga designs at lahat ng mga ito ay nag-click sa marami.

Kaya naman hindi nakapagtatakang bawat araw ay lagi siyang pagod, physically and mentally. At gabi-gabi ay napapasarap ang tulog niya.

Pero hindi alam ng kahit na sino na may nangyayari sa kanya pagsapit ng mga gabing natutulog na siya. And it began four years ago.

Lagi niyang napapanaginipan ang isang guwapong lalaki na tinutugis ng mga armadong kalalakihan sa isang kasukalan. At kung hindi siya nagkakamali, iyon ang kasukalang bahagi ng kanilang hacienda.

Patuloy sa pagtakbo ang naturang lalaki na alam niyang sugatan dahil nakikita niya ang dugo sa puti nitong polo. Bukod sa sugat nito sa balikat ay may sugat din ito sa baywang dahil sapo nito iyon na patuloy pa rin sa pagdurugo.

Nang makita nito ang kuweba sa likod ng talon ay agad itong pumasok doon nang walang makitang nakasunod dito.

Patuloy lang na nakasunod si Elena rito hanggang sa pumasok na rin siya sa kuweba.

At nang tuluyan na siyang makapasok doon, nagulat siya at hindi makakilos nang makitang nanghihinang napasandal ito sa isang malapad na bato habang sapo pa rin nito ang sugat sa tagiliran.

Nang mapadako ang tingin nito sa kanya ay bigla siyang namanhid sa kinatatayuan.

Humihingi ito ng tulong sa kanya. At ang nakakagulat, alam ng lalaking ito ang kanyang pangalan.

Patuloy ito sa paghingi ng kanyang tulong habang tinatawag ang kanyang pangalan. Subalit nakapagtatakang hindi siya makaalis sa kanyang kinatatayuan kahit na tangkain niya.

Hanggang sa namalayan niyang inilayo siya nang kung ano sa lugar na iyon habang patuloy pa rin ito sa pagtawag sa kanyang pangalan.

At bigla na lamang siyang napapabalikwas ng bangon.

And ever since, laging ganoon ang napapanaginipan niya. Pare-pareho ang eksena, walang pagbabago. Kung meron man, ang paglinaw ng itsura ng mga taong tumutugis dito, pati na rin ang itsura ng lalaking sugatan.

Isa pang lumilinaw kay Elena ay ang hawak nitong libro. Hindi niya iyon nakita noong unang beses na napanaginipan niya ito. Pero sa bawat gabing lumipas, unti-unti na niyang nasisilayan ang librong hawak nito na nagtataglay ng simbolo ng dalawang angkan, ang pula at puting rosas.

Kaya naman sa sobrang dalas ng pagpapakita ng lalaking iyon sa kanyang panaginip, hindi niya namalayang iginuguhit na pala niya ang itsura nito.

Iyon ang drawing na nakalagay sa frame at nakatago lang sa drawer ng office table ni Elena.

Hindi niya alam kung ano ang ibig sabihin ng panaginip na iyon, pero isang bagay lang ang nasisiguro niya.

Ang diary ng Rose Clans ang hawak ng lalaking iyon. At tiyak niya na marami na ang napahamak magmula nang malayo sa angkan nila ang diary na iyon.

Ang mga sugat, ang mga taong tumutugis dito, tiyak niya na marami nang tao ang ganoon ang naging takbo ng kanilang mga buhay. Kaya naman labis-labis ang hiling niya na sana'y makita na nila ang diary.

Kung tatanungin naman si Elena tungkol sa lalaki, hindi niya lubusang maintindihan pero sa bawat gabing magdaan ay namamalayan naman niya ang kanyang sarili na nai-in love rito. Pero unti-unting pumapatay sa pag-asa sa kanyang puso ang isang bagay.

Hindi niya alam kung nag-e-exist sa tunay na buhay ang lalaking nasa panaginip. Kaya naman maituturing niyang isang kabaliwan ang mamahalin ng lalaking iyon mula sa panaginip.

Pero kung sakaling totoo ang lalaking iyon, ano kaya ang gagawin niya?

No comments:

Post a Comment