The One To Hold Your Heart

 

PINIPILIT na lang ni Joanna ang magpakatatag kahit na sa totoo lang, nahihirapan na siyang gawin iyon dahil sa sitwasyong nasa harap niya ng mga sandaling iyon. Walang malay si William matapos nitong gamitin ang anumang lakas na meron pa ito para lang tulungan siyang tapusin ang mga Darkans na gusto siyang patayin. Kumalat na sa Agorion ang tungkol sa kanya na isang half-Osmerthian at anak pa ng dating Osmerth Guardian.

Kaya ngayon ay gusto na siyang tapusin ng mga ito dahil aminin man ng lahat o hindi, isa ang kapangyarihan niya na may kinalaman sa tunog ang posibleng magamit ng mga kasamahan ni William para matapos na ang laban ng mga ito sa mga Darkans.

Bumuntong-hininga siya nang maisip ang posibleng katapusan niya sa kamay ng mga ito kung hindi lang dumating si William para tulungan siya. But he ended up doing it at the cost of his remaining strength that should've been used to heal his other Osmerth Guardian comrades. Hindi niya napigilang mapaluha dahil doon.

"I thought I told you never to cry in front of me."

Kagyat na napatigil si Joanna sa pag-iyak nang marinig iyon at agad na tiningnan ang lalaking nasa tabi niya na gising na pala. Suminghot muna siya at pinunasan ang luhang tumulo sa kanyang pisngi bago ngumiti rito. "Sorry. Hindi ko na napigilan, eh. Ikaw kasi..."

"I'm glad you're okay," mahinang wika ni William at nginitian siya.

"Thanks to you."

Ilang sandaling inilibot ni William ang tingin sa paligid bago siya tiningnan ulit. "Nasaan tayo ngayon?"

"Shiasena Temple. Ligtas tayo rito. Tiniyak iyon ni Ilsie sa akin. At saka magagawa mong maibalik ang nawala mong lakas sa lugar na 'to."

"I know. So ito pala ang tinutukoy ni Francis sa akin noon..."

Kumunot ang noo ni Joanna. "Sinabi na sa 'yo noon ang tungkol sa lugar na ito?"

Tumango lang si William at pinilit ang sarili na bumangon. Inalalayan siya si Joanna hanggang sa maisandal na nito ang likod sa pader ng silid na iyon. "I'm sorry if I ended up celebrating our first anniversay as a couple like this. Hindi ko naman inaasahan na... babalik ang alaala ko ngayong araw na 'to. Hindi ko alam kung paano ka haharapin dahil doon. Lalo pa't--"

"I don't blame you for anything, William," wika niya na pumutol sa sasabihin pa sana ng kasintahan sa kanya. "Iyon lang ang gusto kong tandaan mo."

"Pero--"

Iling lang ang naging tugon ni Joanna at bago pa man ito makapagsalita ulit, hindi na niya napigilan ang sarili na dampian ng halik ang mga labi ni William. Alam niyang nabigla ito pero hindi siya tumigil hanggang sa naramdaman niya na pinalalim na nito ang halik na pinagsasaluhan nila ng mga sandaling iyon.

"You always knew how to shut me up. Pasensiya na kung ang dami ko na namang sinasabi sa 'yo," ngingiti-ngiting sabi ni William nang pakawalan na nito ang mga labi niya.

Napangiti siya at hinawakan ang pisngi nito. "Sanay na ako. At hindi ako magsasawang gawin iyon ulit kung iyon lang ang paraan para masabi ko sa 'yo na kahit kailan, hindi kita sinisisi sa anumang nangyari sa nanay ko. Whatever happened to her after she disappeared from Osmerth was her decision and her choice, with or without her memories."

"You're just like her, you know."

"Alam ko. Iyan din ang madalas sabihin ni Francis sa akin nang malaman ko ang totoo tungkol sa nanay ko. Kaya huwag mo nang ulitin."

Katahimikan ang bumalot sa kanilang dalawa ng ilang sandali habang nagpapakiramdaman sila kung sino ba dapat ang mauunang magsalita. Ilang sandali pa ay huminga ng malalim si Joanna at walang pasabing ipinatong ang ulo niya sa balikat ni William. Kapagkuwan ay naramdaman niya na ipinatong nito ang isang kamay sa kanyang balikat at hinigit siya palapit dito.

"Sino'ng mag-aakala na sa ganito aabot ang celebration ng first anniversary nating dalawa? Hindi ito ang pinaplano ko, alam mo ba 'yon?" wika ni William habang hinahaplos ang buhok niya.

"Ano ba ang nasa plano mo, ha? Masyado na yatang common kung dinner date, lunch date, o picnic date."

William chuckled. "Seriously, you're the only girl I know who complains about dates related to food."

"Eh laging sira ang diet ko n'on kapag ganoon."

"Sinabi ko naman sa 'yo na walang dahilan para mag-diet ka, 'di ba? You're perfect as you are, as you've always been."

Hindi napigilan ni Joanna ang mapangiti. "Alam mo, boyfriend na kita't lahat pero hanggang ngayon, bolero ka pa rin."

"Kailan ba kita binola, ha?"

"Kagagawa mo lang n'on, 'di ba?" biro niya.

"Joanna..."

Bago pa siya nakahuma ay dinampian nito ng halik ang noo niya na panandaliang nagpatulala sa kanya. Mataman siyang tiningnan ni William pagkatapos niyon na ipinagtaka niya. Pero nanatili lang itong nakatingin sa kanya. Kapagkuwan ay may inilabas ito mula sa bulsa ng suot nitong pantalon.

Joanna's expression turned serious when a familiar necklace came into view as William held it up for her to see. "B-but that's..."

"'Yong necklace na tinitingnan mo sa antique shop noong araw na sinagot mo ako, and that was last Valentine's Day. Binili ko na para sa 'yo."

"Pero--"

"It's something I wanted to give to you," putol nito sa iba pa sanang sasabihin niya. "At least, I want to have you this before I leave this world and finish everything that's needed to be settled and done for. Hindi na ako puwedeng magtago at tumakbo sa problemang sinimulan ko, kasalanan ko man o hindi."

Ilang sandali rin ang lumipas bago nakapagsalita ulit si Joanna. "A-aalis ka? Babalik ka sa Osmerth?"

Malungkot na tumango si William. "I have to. At saka kailangan nina Francis ang tulong ko. We Guardians are the only ones meant to put an end to this war. Paraan ko na rin iyon para protektahan ka."

"Dahil ba anak ako ni Thelori?" tanong niya na ang tinutukoy ay ang biological mother niya na dating Osmerth Guardian bago ito biglang nawala sa mundong iyon at nawalan din ng alaala.

"Dahil ikaw ang babaeng mahal ko," tugon ni William na hindi nawawala ang kaseryosohan sa mga mata nito habang matamang nakatingin sa kanya.

Hindi na napansin ni Joanna ang pagbilis ng tibok ng puso niya dahil sa sinabi nito. Alam niyang mas madalas na bolero ito kahit noong mga panahong wala pa itong maalala sa nakaraan nito. Pero alam rin niya kung kailan ito seryoso at nagsasabi ng totoo.

"Iyon ang pinakamahalagang dahilan ko ngayon. At hindi ko sila mapapatawad kapag idinamay ka nila sa mga plano nila laban sa aming mga Guardians at sa Osmerth."

"Gagawin ba talaga nila iyon?"

"They already corrupted the previous Gatekeeper's mind just to achieve that. Handa silang gumawa ng mas malala pa roon para lang mangyari ang mga plano nila."

Gustong matawa ni Joanna sa tinatakbo ng usapan nila ni William. Valentine's Day at 1st year anniversary pa nila bilang magkasintahan. Pero heto at nagpapaalam ito sa kanya ng mga sandaling iyon. Gusto niyang intindihin ang sitwasyon dahil iyon ang nakikita niya at iyon ang nasa harap nilang dalawa.

Pero hindi iyon ang nais gawin ng puso niya.

"B-babalik ka naman... 'di ba?" nag-aalalang tanong ni Joanna. Pero kasabay niyon ay hindi na niya napigilan ang pagbagsak ng kanyang mga luha. Wala na siyang planong umiyak ulit, lalo na kung nasa harap niya si William.

Pero ano'ng magagawa niya?

"May dahilan ba para hindi ako bumalik?" nakangiting balik-tanong ni William ngunit kababakasan pa rin ng lungkot ang mga mata nito. "Nakita na kita't nakilala na rin. Isang malaking bonus na rin siguro para sa akin na minahal kita at ngayon, tayong dalawa na. Sa totoo lang, wala talaga akong planong umalis. Pero kailangan, eh. I know you're willing to be with me despite the truth that you discovered about my life. But I don't want to fully thrust you to a world where I could never keep you safe. Tama nang... Tama nang nawala ang nanay mo dahil sa nangyari sa Osmerth noon. Ayokong ilagay ka sa lugar na... posibleng kunin ka ng biglaan sa akin. Hindi ko kakayanin iyon."

Nanatili lang nakikinig si Joanna kay William sa kabila ng patuloy na pagtulo ng kanyang mga luha. Hindi na namalayang napapangiti pa rin siya kahit ganoon na ang sinasabi nito sa kanya.

"Then I'll wait for you," Joanna said soon after that broke the silence between them. "Basta ipangako mo sa akin na babalik ka kahit na ano'ng mangyari, handa akong maghintay kahit gaano pa katagal."

Despite his still weak state, William smiled and pulled her close to him. "I'll come back to you, I promise..."

xxxxxx

WRITER'S NOTE: This is actually just a small part of an almost 4k word count one-shot na isinulat ko noong 2018 pa. Gusto ko lang i-post dito para naman hindi masayang ang kuwentong 'to na nakatago lang sa Google Drive ko. Sa totoo lang, sa apat na characters na nakatoka sa akin sa series na 'to, ito yata ang may pinaka-complicated ang love story. Sa tingin ko lang naman.

No comments:

Post a Comment